ANG ALINGAWNGAW
EDITORYAL KOLUM
PAMAHAYAGAN PARA SA PAGBABAGO
Ni Gabriela K. Ampana
Pitik. Bigkas. Sulat.
Sa aking paglalakbay kaagapay ang publikasyon, nakita ng aking mga mata, nadinig ng aking tenga at nasabi ng aking mga labi ang mga salita at iniisip ng mga mamamayang nahihirapan na maiboses ang kanilang mga adhikain at ninanais mangyari sa ating bayan. Ngunit totoo nga ba na ang pamamahayag ay magiging daan ng magandang pagbabago sa kabuuang kalagayan ng midya sa taong ito?
Ang pagsusuri at pagbibigay-diin sa “Charting Truth: Journalism as a Catalyst for Positive Change in the Media Landscape of 2024” ay isang hamon at pagkakataon. Sa panahon ngayon, kung saan ang disimpormasyon at pekeng balita ay nagkalat, kritikal ang papel ng tunay na pamamahayag sa paglalayon para sa positibong pagbabago.
Tinatamasa natin ngayon ang isang yugto ng kasaysayan na kung saan ang katotohanan ay tila mayroong sariling buhay sa larangan ng pamamahayag. Bilang isang mamamahayag layunin natin ang bigyan ng isang malaking pagbabago ang ating lipunan sa pamamagitan ng katotohanan na nakatago sa bawat letrang sinulat, sa bawat bigkas at sa bawat pitik ng kamera para sa letratong nais nating bigyang buhay.
Napakahalaga rin ang papel naming mga mamamahayag sa pagtuklas at pagsusuri ng mga isyu na may kaugnayan sa lipunan, kalikasan, politika, at iba pa. Sa pamamagitan ng aming pagbabahagi ng mga kuwento at pagsasalaysay ng mga totoong karanasan, kami ay nakapagbibigay hindi lamang ng kaalaman kundi pati na rin ng pag-asa at inspirasyon sa aming madla. Nabibigyan namin ng pananaw ang mga taong bulag, bingi, at pipi sa mga pangyayari sa ating paligid, lipunan maging sa ating bansa.
Ang mga mamamahayag na katulad ko ay nahaharap sa napakalaking responsibilidad na maghatid ng totoo at makabuluhan na impormasyon sa aming mga mambabasa at manonood. Sa pamamagitan ng aming pagsusuri at paglalathala ng mga kuwento, kami ay tila naging mga tagapagtaguyod ng transparansiya at pagkakapantay-pantay sa ating lipunan.
Hindi lingid sa ating kaalaman ang iilang mga balita na nagbubunyag sa hirap na dinaranas ng mga mamamahayag sa larangan ng journalism. Kami ay nakalantad sa pambabatikos, red-tagging, at miminsay umaabot na sa panghahamak at pagpatay. Kung kaya’t sa ating paglalakbay sa taong 2024, nawa’y ang pamamahayag ay patuloy pa rin magbigay ng sinag sa bawat puso at isipan ng mamamayan sa ating bayan. Sinag na magpapakita ng katotohanan at pagbabago. Dahil ayon pa nga kay Jose Torres Jr. “We live out our role, not only as watchdogs… but at the same time, … let us offer solutions. Let us be the voice of those who have no platform.” Kaya kung ikaw ay isang mamamahayag na katulad ko, gawin natin ang ating makakaya upang ang pamamahayag ang siyang magdudulot ng pagbabago.
MGA ARTIKULO
EDITORYAL
LIWANAG O NINGNING? Pera kapalit ng Pirma
Patuloy pa rin ang pagsulong at pagtatangka na baguhin o amyendahan ang 1987 Philippine Constitution, at ang aksyong ito ay kilala sa tawag na Charter Change o Cha-Cha. Ngunit, sa ilang beses na pagsulong sa naturang plano, ni isa ay walang nagtagumpay. Naging matindi na ang ginawang paraan para magiit ang Cha-Cha pero tama nga bang gamitan ito ng pera? Tama nga bang silawin sa pera ang mamamayan upang maisakatuparan ang pagbabagong ninais nila?
Ilang beses ng tinangka ang pagsusulong ng Cha-Cha mula pa sa panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, Benigno Aquino III at Rodrigo Roa Duterte ngunit walang ni isa sa kanila ang nagtagumpay na maisulong ang pagnanais na ito. Ngunit ngayon sa pamumuno ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., muli ay nabuksan ang pagtatangkang baguhin ang naturang Konstitusyon. Nag-umpisa ang hangarin na ito ng makaraang sabihin ni House Speaker Martin Romualdez noong Disyembre 2023 na dapat talakaying muli ang 1987 Constitution na sinanguyanan rin ni Senate Minority leader Aquilino Pimentel III sa pagsasabing bukas siyang pag-usapan muli ang pederalismo sa ilalim ng Cha-cha.
Marami ang kasalukuyang kumakaliwa at gayundin ay sumasangayon sa pagpapatupad ng pagbabagong ito sa 1987 Philippine Constitution. Ipinupunto ng mga nagnanais maamyendahan ang naturang Konstitusyon na ang economic provisions lamang daw ang gagalawin at wala nang iba pa. Giit pa nila, na ang pagkakaroon daw ng pagbabago sa Konstitusyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng economic provisions ay peborable at makakatulong sa business sector lalong lalo na sa mga foreign investors at local partners ng bansa. Ngunit, marami pa rin ang may agam-agam sa tunay na dahilan na ninais ng Marcos-Romualdez political dynasty. Ayon pa nga kay retired Supreme Court Chief Justice Hilario Davide Jr. na ang mga problema ng bansa ay hindi dahil sa 1987 Constitution, kundi sa hindi maayos na pagpapatupad ng mga probisyon nito.
Ngunit sa kabila nito ay patuloy pa rin ang pagnanais na isulong ang naturang pagbabago. Ilang hakbang ang kanilang inilunsad at isa na rito ang pagkakaroon ng signature campaign para sa People’s Initiative na kung saan hahayaan ng House of Representative at Senado na ang pagbabago sa Konstitusyon ay may pagsang-ayon sa pamamagitan ng mga lagda ng mamamayan. Ngunit tila naging malabo ang naturang aksyon dahil ayon pa kay Senator Imee Marcos, P20 milyon ang ibinibigay sa bawat distrito para makapangalap ng lagda. Dagdag pa ng Senador na manggagaling umano ang pera sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Sabi naman ni Sen. Jinggoy Estrada na P100 ang kapalit sa bawat lagda at mga mayor umano ang nagsasagawa para makapangalap ng mga lagda. Ang naturang aksyon ay itinuturing na unethical at maliwanag na binabalewala at nilalabag ang democratic process ng bansa, dagdag pa ng Senador. Tila ang mga pamamaraan nila upang maipatupad ang Cha-cha ay naging baluktot na at lumalabag sa patakaran ng People’s Initiative sapagkat sinisilaw nila sa pera ang mga mamamayan kapalit ng kanilang mga lagda. Ayon pa nga kay Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte “Ito ay pagsasamantala sa kahirapan ng ating mga mamamayan at kawalan ng respeto sa kanilang karapatan na magdesisyon nang malaya, walang takot, o impluwensya gamit ang salapi.”
Bilang isang mamamayan sa ating bansa, karapatan natin ang makapagbigay ng hinaing at marinig ang tinig ng karapatan upang magpatuloy ang nilayong demokrasya na nararapat ay tinatamasa pa rin natin ngayon. Ang paggamit ng salapi bilang instrumento upang maipatupad ang siyang nais ng isang tao lamang ay tila pandaraya at aksyon ng kasakiman. Nawa’y magpatuloy ang pagpapalaganap ng katapatan at pagkakapantay-pantay sa botohan dahil ang pagsulong sa Cha-cha ay isang aspetong kinakailangan ng naaayong boto mula sa mamamayan. Kung kaya’t bilang isang mamamayan hahayaan mo rin bang ikaw ay masilaw sa ningning o susundin mo ang liwanag na hatid ng katapatan para sa bayan nating ito?