ANG ALINGAWNGAW
LATHALAIN
Dugo at pawis ang noo’y dumanak sa lupang ating tinubuan mula sa mga kayumangging bayaning katulad nila Rizal, Bonifacio, Jacinto, Melchora at iba pa makamit lamang ang ating inaasam-asam na kasarinlan. Ilang taong pakikipagsapalaran rin ang kanilang hinarap bago mapalaya ang kalupaang angkin ng liping Pilipino. Mga lupaing inibayo ang natural na kariktang taglay sa kasalukuyan at pinakikinabangan sa kaparaanang kabutihan ang maidudulot sa ating sangkatauhan kagaya sa lungsod ng Dipolog. Ano nga ba ang dapat na sukli para sa buhay na inutang ng mga Dipolognon sa mga minsang nagsakripisyo?
Ang Dipolog City ay ang kabisera ng Lalawigan ng Zamboanga del Norte at ito ay matatagpuan sa hilagang-kanlurang bahagi ng lalawigan. Kaharap nito ang Sulu Sea at napapaligiran ng luntiang mga bulubundukin. Kaya, hindi maipagkakaila na hitik ito sa mga likas na yaman at kagandahan. Sa katunayan, tinagurian itong “Orchid City of the Philippines” at kilala sa industriya ng sardinas na nagmumula sa mayamang lugar ng pangingisda sa baybayin nito. Tanyag din ito bilang “Gateway to Western Mindanao” sa pamamagitan ng Western Nautical Highway. Mga taguring nagpapahiwatig ng hindi maikakanlong na kasaganaan ng lungsod sa nag-uumapaw na mga hiyas.
Isang malamig na agos ng tubig mula sa itaas na nagbubuga ng preskong hangin ba ang iyong hanap? Sungkilaw Falls ang sagot diyan! Nakakatunaw mata ang angking kariktan na sapantaha’y masusing inukit ng malikhaing kamay ng isang diwata.Ito’y nasa 20-feet at nakapaloob sa gitna ng kagubatan sa Sitio Virginia, Barangay Diwan. Ang hiwaga na dala ng Sungkilaw Falls ay dinadayo ng karamihan at tinatangkilik ang kariwasaan ng kalikasan.
Nakakahingal ang umakyat sa mataas na hagdanan, ngunit hihingalin ka pa ba kapag magandang tanawin ang naghihintay sa itaas?Isa rin sa tanyag na tourist spots ng lungsod ay ang “3,003 steps to Linabo Peak” na nakatayo sa Barangay Lugdungan. Isa ito sa mga binibisita ng mga dayo sa ibayong lugar. Ang Linabo Peak ay ang tinaguriang Dipolog’s Highest Elevation Point—na may 486 ka-metro sa ibabaw ng lebel ng karagatan. Tanyag dito ang “Katkat Sakripisyo” sa panahon ng Lenten bilang pakikiisa sa hingalo at sakripisyo ni Hesukristo.
Kaakibat nito ang hiwaga na dala ng Cogon Eco-Tourism Park. Binantayan ang paligid nito ng nagsipagtayogang punong-kahoy at nakikisabay ang malalabay na dahon nito sa ritmong kaloob ng hangin mula kay Inang Kalikasan. Ito’y makikita sa Barangay Cogon. Batid mo ba na ang eco-park at kagubatan ay hindi mayak-yakap ang lawak nito? Ito’y umabot na sa kalapit na probinsiya ng Polanco at may total land area ng 344 hectares.
Isa rin sa tanyag na pinagdaosan ng mga turista ay ang makabuluhang Sta. Cruz Marker. Ito ay naitayo noong Mayo 3, 1905 ng mga Boholanos bilang pasasalamat sa Poong Maykapal para sa kanilang kaligtasan. Alam mo ba na ang Sta. Cruz Marker ay nakatanaw sa Our Lady of the Most Holy Rosary Cathedral na ang distansya’y halos umabot ng kilometro? Oo! Kaya huwag mabahala, kasi walking distance lang ito!
Bilog ang sansinukodb at ganoon din ang P’gsalabuk Circle na humuhubog sa kasaysayan at kultura ng Dipolog. Ito’y tanyag sa tatlong tao na nakahawak sa isang malaking kawa. Iba-iba sila ngunit sila’y sumisimbolo sa mariwasang kultura at mahiwagang kasaysayan ng pagkakaisa ng lungsod.
Sunset lover? Ang pinakadabest na pasyalan ng lungsod ay walang iba kung hindi ang bantog na Dipolog Boulevard. Ito’y kilala na sa pang-isports at iba pang panlabas na mga aktibidad ng lungsod. Ang halos inaabangan ng karamihan sa turista ay ang paglubog ng araw sa karagatan na masisilayan nang malapitan sa Dipolog Boulevard. Ito ang agad na pinupuntirya ng mga turista na mahilig sa sunsets, dalampasigan at simoy ng hangin.
Ilang araw na rin ang natabunan ng karimlan ng gabi nagmula nung nabalik sa ating kamay ang pangangalaga sa lupang sakop ng lungsod ng Dipolog. Ngayo’y hindi na maipagkakaila ang namumutawing pagpapahalaga ng mga Dipolognon sa natatanging mga biyaya. Pagpapahalaga sa kasaganaang taglay ng lupaing pinalaya ng ating mga bayani sa tanikalang-bakal ng mga mananakop.
Grabe ka Dipolog! Ano pa kaya ang iyong maipapakita sa araw ng bukas? Nawa,’y lilokin mo pa ang iyong sarili at tuklasin ang nakakubling yamang iyong akay-akay. Ikaw, Dipolognon, samahan mo siyang hanapin ang kaniyang naiiba sa lahat na tingkad tungo sa pinakamataas nitong anyo- ito na lamang ang ating panukli sa buhay na inutang mula sa kayumangging bayani.
Sa paglunsad ng Division Schools Press Conference (DSPC) 2024, ang Online Publishing at Collaborative Desktop Writing ay dalawa lamang sa marami pang patimpalak na inilahad ng Regional Memorandum para sa taong ito.
Iilang mga mag-aaral sa iba’t ibang paaralan ay nakumpuni upang maisagawa ang naturang pandistritong patimpalak. Mga paaralan tulad ng Zamboanga del Norte National High School-Turno, Philippine Science High School, DMC College Foundation, Galas National High School at Dipolog Pilot Demonstration School ay ilan lamang sa mga paaralang dumalo sa naturang patimpalak.
Sinimulan ang kaganapan sa pagkakaroon ng isang oryentasyon para sa dalawang patimpalak na pinangunahan ni Ginoong Al L. Cantery, isang Master Teacher I mula sa Pamansalan Elementary School. Sa naturang oryentasyon ay inilihad ng guro ang mga kinakailangan gawin ng mga kalahok upang mangyaring masungkit nila ang inaasam na kampyonato.
Ang patimpalak na Online Publishing ay binubuo ng limang mag-aaral mula sa bawat paaralan na siyang bubuo ng isang digital na pamahayagan gamit ang website na WordPress sa loob lamang ng tatlong oras. Apat na paaralan mula sa sekondarya ang siyang naglalaban-laban sa naturang patimpalak.
Habang sa Collaborative Desktop Publishing naman ay inaasahan na ang pitong mag-aaral ay makakagawa ng pamahayagan gamit ang InDesign sa loob lamang ng limang oras.
Ang naturang patimpalak ay binubuo ng apat na paaralan din na siyang maglalaban-laban para sa sekondarya at may isang paaralan naman na lumahok para sa elementarya.
Oras ang Kalaban
Ni Huseng O. Gong
“Ang nakakanlong na kalaban ng buhay ay oras.” Ito ang katagang walang humpay na ngungukilkil sa aking natutulog na diwa sa kasalukuyan.
Sa walang patid na pagkumpas ng aking pluma upang maglathala ng makatotohanang balita at impormasyon, ngayon ko lamang naapuhap ang tunay na katuturan ng katagang ito. Ang dati’y tinitingala kong kakampi, ngayo’y kalaban ko pala. Ngunit alam kong may isang tiyak na sandata upang magapi ang oras- ang makagawa ng makabuluhan sa gitna ng matulin na ragasa ng umaagos na segundo.
Hindi pala madali kapag oras ang iyong amo. Mga namimilog matang nakatutok sa harap ng laptop, nagsipag-abot kilay at nangungunot na noo ang aking nasisilayan kahit saang banda man ako nakatitig. Abalang-abala ang lahat at halos hindi na magkatinginan at magkasalitaan. Napapatahimik pala tayo ng oras? Ngunit sa gitna ng katahimikan, tumatalig sa aking mumunting tainga ang hiyaw na “Tik-tok,tik-tok,tik-tok”.
Grabe talaga! Nakakakaba at hindi maipaliwanag na nararamdaman ang aking nadama habang nagsusulat ako ngayon. Wari’y naging robot ang aking kamay sa mabilis na pag-type nito na parang kalamay ng gagamba dahil sa sagagsad na mga karunungang nakakintal sa aking tingkala. Gumagana pala ang utak kapag may hinahabol na deadline?
“Laban!”- ito ang palagi kong pabulong na sigaw sa aking mga kasama habang tumatakbong hinahabol ang 5:30 na oras ng hapon. Oo, ito ang oras na dapat naming mapasa ang pook-sapot na aming ginawa sa ilalim ng kategoryang Online Publishing sa Filipino sa isinagawang Dipolog City Division School’s Press Conference. Hindi ko aakalain na magmumukha akong baliw dahil sa nagsisipagtindigang mga buhok habang tinatapos ang aking artikulo. Pero isa lang talaga ang masasabi ko diyan, LABAN!
Hindi naman umuulan pero damang-dama ko ang lamig. Teka, ihi muna ako. Climate change na nga ang nararanasan natin ngayon! Kani-kanina lang ay nilalamig ako, ngayon naman ay nagsipagdaloyan ang nagsipaglakihang pawis sa aking kayumangging mukha.
Hoy! Teka! Hinto ka muna! Kay bilis mo namang tumakbo o aking orasan. Ay, oo nga pala, hindi pala ito laro na maaari tayong mag time-first hahaha! Isang oras na lamang ang natitira ngunit nag-uusap pa rin tayo na parang wala lang at walang kabuluhan. Titigilan muna kita sa ngayon ah! Hinahatak na ako ng mga kasama ko upang gumawa ng isa pang gawain dahil malapit ng magtapos ang oras.
Sa pagtatapos ng labanang ito, tiyak na makakagawa kami ng isang makabuluhang laban. Isang labang hindi inatrasan ng kayumangging manunulat gamit ang sandatang plumang aming tangan-tangan. Mahaba-haba man ang tinatahak na sapalaran, ngunit isang marikit na likha ang tiyak na aasahang kalalabasan.
MAG BIGAY NG TUGON SA AMIN!